
Movie House Boo-Boos
Nobyembre 9, 2008Dahil hindi na mura ang panonood ng pelikula sa sinehan, dapat lang na masulit ang bawat pagkakataon. At kung mamalasin ka nga naman ay mararanasan mo pa ang mga sumusunod:
1. Pipila ng hindi pa alam kung ano ang papanoorin.
Madalas itong mangyari kapag grupo ng mga kabataan o ng mga abnormal na medyo may katandaan ang nagkayayaang manood ng sine. Hindi decided, humihingi ng consensus ng lahat ng kasali, magkokolektahan ng pera at ang pinakamalupit sa lahat, magkakagulo sa seat plan at seating arrangement.
2. Naniningit sa pila.
Classic naman ang isang ito. Madalas makatikim ng lumalatay na, “doon ang pila!” ang sinumang magtangkang sumingit sa pila sa harap ko. Magkasaksakan na kung magkasaksakan, ipaglalaban ko ang karapatan ko! Bwahahaha…
3. Guaranteed seats, pero may naka-upo na sa reserved seat mo.
Sa tuwing nangyayari ito ay buong tapang akong nagtatanong sa kung sino man ang naka-upo sa nireserve kong spot. Kadalasan naman ay sila na ang nagkukusang umalis para umupo sa kung saan talaga sila dapat. Para saan pa ang mga alintuntunin kung hindi rin susundin?
4. Nag-iingay kapag pinapalabas na ang pelikula.
Walang excuse ito. Kesehodang may emergency call ka, kinagat ka ng surot sa singit o kung ano pa man, lumabas ka muna at tsaka mag-ingay. Wala pakialam ang ibang mga manonood sa kung ano man ang concern mo. Lekat din ang mga mahilig magkwento o unahan ang storya ng pelikula. Kung alam mo na ang mangyayari, umalis na ka.
5. Nagdadala at kumukunsumo ng di katanggap-tanggap na pagkain.
Dapat ipagbawal ang mga pagkain na lumilikha ng ingay kapag ningunguya ng kung sino. Kasama na dito ang mga nachos, kropek, mga corn chips, at iba pa. Utang na loob din, wala naman sanang magdadala ng pagkaing may angking bagsik na amoy, tulad ng Seafood snack, Humpy Dumpy (lalo na yung dilaw), mangga’t bagoong, sinukaang chicharon at marami pang iba. Tandaan na ang sinehan ay aircon at ang amoy na yan ay pihadong didikit sa ating lahat.
6. Humihilik sa loob ng sinehan.
Self-explanatory. Nakakatakot kaya ang mga lalaking humihilik… parang na-stroke na ewan.
7. Yung walang habas kung dumaan para makarating sa upuan/makalabas ng sinehan.
Hindi maluwag ang pagitan ng upuan at likod ng sandalan sa mga sinehan (pwera na lang sa iba) kaya kung maaari lang ay magdahan-dahan sa pagdaan.
8. Nagkakalat sa sinehan.
Lumalabas lang ang pagiging burara at kawalang breeding ng isang tao sa kung paano niya tratuhin ang kanyang paligid.
9. Nagcecellphone habang nanonood ng sine.
Kahit pa Nokia 3210 yang cellphone mo, kapag umilaw yan ay siguradong nakakadistract. Sana lang ay maintindihan ito lalo na ng mga tangang nag-P-PSP sa loob ng sinehan.
10. Asal kabayo sa sinehan.
Sisipain/tatadyakan ang sandalan mo. Ipapatong ang mabantot na paa sa upuan sa harap. Kawalang respeto ito kahit na walang tao sa harapan ng umuupo. Sana’y sipain ka rin palabas ng sinehan.
Tara, nood tayo ng sine?
sa lahat ng mga boo-boos na nabanggit mo…yung number 4 ang pinaka-heyt ko. yung mga nag-iingay na papansin.
dapat yang mga ganyan nakasupot na soundproof para di istorbo!