h1

Tagay sa Undas

Oktubre 31, 2008

lashPauwi ako galing trabaho at kapansin-pansin na kakaunti na lang ang mga taong nag-aabang ng masasakyan. Parang Sabado ng gabi sa Makati ang eksena, at ang dali kong nakakuha ng taxi.

Tahimik at nakapatay ang radyo. Hindi na rin ako nag-iPod dahil medyo masakit ang ulo ko. Pero imbis na magpadiretso sa bahay ay naisipan kong magpahatid sa may bandang Banawe para tumungga muna.

May isang patok na kainan doon kung saan ako napapalagi kapag gustong mapag-isa, kahit na considered itong family/barkada restaurant. Pagpasok ko pa lang ay nakangiti na si Ian, ang bartender na may pinaghalong-hawig ni Marc Nelson at Rico Yan. Umorder kaagad ako ng beer at Calamares at nagsimulang tumagay mag-isa.

“Pagod sa trabaho, sir?” tanong ni Ian.
“Oo, lahat kasi pa-bakasyon na kaya medyo maraming minadali…”
“Kayo sir, di ba kayo uuwi ng probinsya nyo?”
“Di na, pahinga na lang…”

Tsaka ko isa-isang naisip ang mga mahal sa buhay na namayapa na, at gumawa ng ‘toast’ sa bawat isa…

Sa mga lolo’t lola ko sa magkabilang side, maraming salamat at kung hindi dahil sa inyo ay wala ang mga magulang ko;

Sa dapat na bunso kong kapatid na namatay bago maisilang, sana’y patuloy mo kaming gabayan sa buhay namin;

Sa ninong ko na tumulong sa mga magulang ko nung panahong medyo hirap sila sa pagsisimula ng kanilang pamilya;

Sa favorite teacher ko na naging tamang strikto sa akin nung high school para lalo akong magsumikap mag-aral;

At sa dati kong boss na siyang nagturo sa akin upang maging matatag sa trabaho.

Cheers po sa inyong lahat.

Mag-iwan ng Puna